5 Days Training lang tapos ine-expect na agad akong mag-deliver? Nag-immediate resignation ako.
Gusto ko lang maglabas ng sama ng loob tungkol sa pinasukan kong kumpanya kamakailan bilang Project Coordinator.
5 days lang ang training ko. Ang totoo, daily reports lang ang halos inaral namin ng Project Coordinator na nagturo sa akin sa loob ng limang araw na iyon. Pagkatapos nun, parang ine-expect na agad nila na kaya ko na ring gumawa ng data reports, graph reports, weekly reports, pati SOD, MOD, at iba pang reports. Noong nagkaroon ng delay sa weekly report dahil nangangapa pa ako, parang sa akin agad napunta ang sisi.
Isa pa, wala ring nagsabi sa akin during hiring na may papalitan pala akong empleyado. Wala akong narinig na kahit anong mention mula sa HR o sa mga nag-interview sa akin. Nalaman ko lang mismo sa office nang marinig kong tinatanong ng mga katrabaho si Ken ng, "Uy, kelan ka aalis? Bukas na ba?" Doon ko lang na-realize na siya pala ang pinalitan ko. Ang sabi pa niya noon, "Huwag muna, tatapusin ko lang ito hanggang Sabado." Sa isip-isip ko, bakit hindi na lang sinabi sa akin noong hiring pa lang? Doon ko rin mas naintindihan kung bakit minamadali ang turnover at kung bakit ang daming hindi naipasa sa akin nang maayos.
Ang mas nakakagulat, tuwing nagtatanong naman ako sa Project Manager kong Chinese kung paano gawin ang isang process, ang lagi niyang sagot ay, "Call Ken." Mabait naman siya at ramdam kong gusto rin niya akong tulungan, pero aminado rin siyang hindi niya kabisado ang karamihan sa mga turnover links at reporting process dahil halos lahat ay dating hawak ng previous Project Coordinator. Dagdag pa roon, nahihirapan din akong intindihin ang English niya dahil sa language barrier, at minsan napapansin kong nai-frustrate na rin siya kapag hindi ko agad siya naiintindihan. Napaisip talaga ako, paano magiging maayos ang onboarding kung mismong PM ay hindi rin alam ang buong proseso?
Dahil doon, napilitan akong humingi ng tulong sa ibang Project Coordinators at kahit sa mga tao ng subcontractor companies para lang matapos ang mga reports. Sinubukan ko ring mag-chat kay Ken. Noong unang linggo, sumasagot pa siya pagkatapos ng trabaho dahil inaasikaso rin niya ang requirements para sa bago niyang employer. Pero pagdating ng Monday, hindi na talaga siya nag-reply. Wala na akong ibang malapitan.
May isa pang nangyari na lalo lang nagpatibay sa desisyon kong umalis.
Noong Monday, maayos akong humingi ng SOD report sa isang Team Leader ng Zambales team. Ang sagot niya sa akin, "gas report ko muna sir hahahhaha." Dahil bago pa lang ako, sinabi kong hindi ko pa alam kung paano gawin ang GAS report at nagtatanong lang sana ako. Bigla niyang binawi ang usapan at sinabi na lang, "wait ko nlng po thankyouuu." Pero noong hapon, nang ako naman ang humihingi ng MOD report na kailangan ko para matapos ang trabaho ko, tuluyan na akong hindi nireplyan hanggang matapos ang shift.
Isa pa sa pinakamalaking dahilan kung bakit ako umalis ay ang expectation nilang magtrabaho ako tuwing Sunday para sa reports. Monday to Saturday na nga ang pasok, Sunday na lang ang pahinga ko, tapos iyon pa ang araw na inilalaan ko sa church. Para sa akin, hindi makatarungan na pati nag-iisang rest day mo ay kukunin, lalo na kung kulang pa ang training at turnover.
Noong Tuesday, nagdesisyon na akong mag-immediate resignation.
Sa resignation letter ko, sinabi ko lang nang maayos kung bakit ako nagdesisyon umalis. Ipinaliwanag ko na limang araw lang ang training na natanggap ko at hindi sapat iyon para agad akuin ang lahat ng reports. Sinabi ko rin na kahit gusto akong tulungan ng Project Manager, limitado rin ang alam niya dahil karamihan sa mga proseso ay dating hawak ng previous Project Coordinator. Ayaw ko ring umabot sa puntong ako pa ang maging dahilan ng delay ng team dahil nangangapa pa ako sa mga process na hindi naman naiturnover nang maayos. Binanggit ko rin na isa sa mga naging dahilan ng pag-alis ko ay ang expectation na magtrabaho kahit Sunday, na siya lang naman ang rest day ko at araw na inilalaan ko para sa church.
Sa puntong to, tanggap ko na kahit hindi na nila ibigay ang bayad sa anim na araw na pinasok ko. Ang importante sa akin, nakaalis ako nang maaga kaysa pilitin ko pang mag-stay sa trabahong alam kong hindi na magiging okay para sa akin. Sa tingin ko, kung ipinilit ko pang magtagal, baka lalo lang akong mahirapan at maging dagdag problema pa sa team dahil nangangapa pa rin ako sa mga process na hindi naman naituro nang maayos. Ayoko ring umabot sa puntong trabaho na lang ang iniisip ko kahit nasa bahay na ako.
Kaya gusto ko lang itanong sa inyo, valid ba na nag-immediate resignation ako? Sa tingin ko kasi, kung maayos lang sana ang training at turnover, ibang-iba siguro ang naging experience ko. Kaunting konsiderasyon lang sana sa mga bagong empleyado.