u/11th_avenue

▲ 35 r/peyups

[UPD] Senti ng isang freshie kasi tapos na ang sem (may reqs pang natitira)

Salamat, UP. At hindi kabaliktaran ng "Salamat, UP" ang pagpapasalamat na ito.

Totoo ang "UP will humble you", pero iba ang paraan ng pagpapakumbabang natutuhan ko. Hindi ako ipinahiya, pinadapa at pagkatapos ay inapakan, at nilundagan ng pamantasan. Oo, may hirap, pero iba siya sa na-imagine kong pagha-humble.

Hindi sinabi sa akin ng UP na hindi ako magaling. Pinatunayan niyang magaling ako... ngunit may igagaling pa. Pinapasok niya ako sa mga silid na hindi ako makapagsalita nang tuwid kasi intimidang-intimida ako sa husay ng mga kaklase ko. Pero hindi niya ako pinalabas na nararamdamang kulang ako o hindi kailanman sasapat upang maging karapat-dapat sa puwang na pinunan ko nang pumasok ako noong Agosto. Dahil imbis na paniwalaing hindi ako kasinggaling, pinaniwala ako ng UP na may puwang akong pinupunan... at maaaring sa ngayon ay sapat na ang simpleng pagpuno sa puwang na 'yon.

Ang galing din ng mga naging guro ko. Sobra! Mga totoong tao, at lahat sila ay nakalapag sa lupa ang mga paa. Ang ganda lang ng welcome sa akin. Oo, may pangangatog kapag recit kasi may gustong patunayan sa sarili, pero mas lamang ang pagkalingang naramdaman ko. Parang sinasabi sa akin ng experience ko sa mga naging profs ko na "nandito ka na, at kasama mo ang mga magagaling na taong ito na hubugin ang isang sariling magiging kapaki-pakinabang".

At ang dami kong nakilala at naging kaibigan. Komunidad ang UP, isa ito sa mga napatunayan ko. At hindi mabubuo ang isang komunidad nang hindi natin binubuksan ang mga buhay natin upang makapagpapasok ng mga taong magpapatawa, magpapainis, at hahamon sa atin. At isang malaking salamat sa UP dahil binigyan niya ako ng komunidad na hindi ko kailangang may mapatunayan upang maging karapat-dapat sa pagmamahal.

Isa rin sa mga natutuhan ko ang lalim ng kabagalan. Dahil sa bagal, hindi tuluyang nawala ang ganda at naging pangkaraniwan ang Sunken Garden, ang Oble, ang mga building, ang mga puno ng Acacia, at ang buong pamantasan. Noong nagsimula nang maging ordinaryo ang mga bagay na dati ay sa litrato ko lang nakikita, binagalan ko ang lakad. Napagtanto kong ang araw-araw na pagmamadali ang pumapatay sa kulay ng mga bagay na dati'y panalangin lang. At dahil mas mabagal na ang paglalakad, araw-araw akong may nakikitang detalye: bagong pinta ang gilid ng kalsada, bago ang kulay ng buhok ng isko na madalas kong nakasasalubong sa Beta Way, at may mga bagong balatengga sa Vinzons. At ang pribilehiyong makita ang mga detalyeng ito ang pinagpagalan ko at siya ring dahilan ng ibayo pang pagpapagal.

Nahirapan ako, oo, pero mas matingkad ang kasiyahan, kabuluhan, at lalim. Pasasaan pa't pinangarap ko ang pangarap na 'to ngunit gagawin ko lang palang pangkaraniwan?

Salamat sa magandang bungad sa una kong taon, UP. Kitakits sa Agosto.

reddit.com
u/11th_avenue — 13 hours ago