The pain of a neglected only child
3 days na simula nung lumayas ako sa bahay namin dahil hindi ko na kinakaya yung pagiging verbally abusive ng tatay ko at yung paulit-ulit na pagpili ng mama ko sa kanya kahit ako na mismo yung nasasaktan. Solong anak lang ako pero buong buhay ko parang never naman akong naging priority.
Lumaki akong provided lahat ng financial needs ko. Hindi ako pinabayaan pagdating sa pera, pag-aaral, at mga materyal na bagay. Pero sobrang ligwak ako pagdating sa emotional needs. Dahil buong buhay ko, wala naman talagang magulang na emotionally present para sakin.
Simula baby ako nasa abroad na mama ko kaya lumaki akong walang emotional connection sa kanya. Samantalang yung tatay ko naman, puro galit, sigaw, mura, at emotional abuse yung kinalakihan ko. Kaya kahit kompleto kami financially, pakiramdam ko emotionally ulila ako habang buhay pa ang mga magulang ko.
Simula pa 7 years ago, nagmamakaawa na ako sa mama ko na hiwalayan na niya si papa dahil sobrang toxic na niya. Halos lahat ng trauma ko, sa bahay namin nagsimula. Pero ang lagi niyang sagot sakin, “Hayaan mo na, hindi naman tayo sinasaktan physically.”
Parang kailangan muna pala akong bugbugin bago niya maintindihan na unti-unti na akong nasisira emotionally at mentally.
Ang ironic pa kasi Psychology graduate ako pero sobrang sira ng mental health ko. Alam ko kung ano ang trauma. Alam ko kung gaano kalala ang epekto ng emotional abuse sa isang tao. Alam ko rin kung ano ang suicidal ideation dahil ilang beses ko nang naramdaman yun habang nasa loob ako ng bahay na dapat sana pinaka-safe kong lugar.
Dumating pa ako sa punto na sinabi ko sa kanila na mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay sa ganitong klaseng pamilya. Pero imbes na mag-alala sila, ang sabi pa raw ng mama ko sa boyfriend ko, “Baliw siya, nagbabanta na magpapakamatay. Loka talaga.”
Masakit marinig na yung mismong sigaw mo para humingi ng tulong, ginawa lang nilang katatawanan.
Kahit paulit-ulit akong murahin, sigawan, at durugin ng tatay ko sa salita, mas pinipili pa rin ng mama ko na kampihan at aluin siya kaysa protektahan ako. Mas lalong lumayo loob ko nung nakita kong kahit gaano ako masaktan, never niya akong pinili.
2 weeks kaming hindi nag-usap matapos yung malaking away namin. Siya kasi yung naging trigger kaya nagwala ulit tatay ko noon. Minura at sinigawan ako kaya sa sobrang sakit, first time kong sinigawan mama ko habang umiiyak. Sinabi ko lahat ng hinanakit ko. Sinabi kong kasalanan niya rin kung bakit ako naghihirap emotionally dahil ayaw niyang hiwalayan yung taong sumisira sakin.
Pero alam niyo yung pinakamasakit? Isang linggo na kaming hindi okay pero hindi niya man lang ako sinuyo o kinamusta. Samantalang sila ng tatay ko, okay na agad. Parang walang nangyari. Parang normal lang na ako yung laging nasasaktan.
Noong panahon na tinakwil ako ng tatay ko at umabot ako sa punto na naglaslas ako, wala siyang ginawa kundi lambingin yung asawa niya. Noong siya naman yung minura at sinabihang “mamatay ka na sana” ng tatay ko, 5 months silang hindi nag-usap. Pero pag-uwi niya dito sa Pinas, isang haplos lang ng tatay ko, okay na agad siya. Ganun lang kadaling patawarin yung taong paulit-ulit sumisira sa pamilya namin.
Nung umalis ako last Sunday, sinabi ko talaga lahat ng sama ng loob ko. Akala ko kahit papaano hahabulin niya ako o aalamin man lang kung okay pa ba ako. Pero kinabukasan, ang una niyang ginawa ay i-chat yung boyfriend ko dahil hindi raw maka-withdraw yung tatay ko dahil hawak ko yung email account niya. Akala ko kakamustahin ako. Hindi pala.
At ang sakit isipin na bukas birthday namin, sabay kami ng mama ko. Pero kahit kailan, never namin yun na-celebrate nang magkasama bilang mag-ina. Tuwing umuuwi siya galing abroad, mas pinipili niyang itapat yung bakasyon niya sa birthday ng ibang tao o kaya sa Pasko, pero never sa birthday naming dalawa. Kahit yung iisang araw na supposedly connection naming mag-ina, hindi niya man lang piniling i-celebrate kasama ako.
Doon ko tuluyang narealize na may mga nanay talagang mas mahal ang asawa at ibang tao kaysa sa sariling anak. Kahit nakikita nang unti-unting masira yung anak nila, pipiliin pa rin nilang protektahan yung iba bago ang anak nila.
Sobrang fucked up nitong buwan na ‘to. Tuwing birthday ko na lang may masamang nangyayari sa buhay ko. Bukas birthday ko, pero malungkot na naman. Wala akong handa dahil kakastart ko lang sa bagong trabaho at sa June 5 pa sahod ko. Nakikitira lang din ako ngayon sa bahay ng boyfriend ko.
Pero siguro ang pinakamalungkot sa lahat… mas tinatawag pa akong “anak” ng parents ng boyfriend ko kaysa sa sarili kong nanay. Dahil sa buong buhay ko, never kong narinig sa mama ko yung salitang yun.
Ngayon ko lang naranasan ang maging walang wala. Pero alam ko na ngayon lang ito at lilipas din. Hindi ako habang buhay magiging kawawa. Naniniwala ako na dadating din ang araw na magiging payapa rin ang buhay ko.