
Nigerian ginahasa ang menor de edad sa parking lot
BABALA, SENSITIBO ANG PAKSA
Arestado ang isang 35-anyos na Nigerian national kaugnay ng kasong panggagahasa sa isang menor de edad sa Sta. Rosa City, Laguna noong Sabado ng hapon, Oktubre 10, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Anthony,’ kabilang sa Regional Most Wanted Persons ng Police Regional Office 4A, na naaresto sa 21st Avenue, Project 4, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, naganap umano ang pang-aabuso sa parking area ng isang mall sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa City, Laguna noong Oktubre 12, 2025 ng umaga.
Ayon sa ulat, inalok umano ng suspek ang menor de edad na samahan siyang bumili ng cake bilang sorpresa sa kaarawan ng ina nito. Nang malaman na sarado pa ang mall, ipinarada umano ng suspek ang sasakyan sa ikalimang palapag ng parking facility at doon na naganap ang insidente.
Dahil sa lakas ng suspek, hindi umano nakalaban ang biktima at nagmakaawa na lamang na tumigil ito at palayain siya.
Isinagawa ang manhunt operation sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-R*pe Law of 1997, na inilabas noong Pebrero 19, 2026, ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 101, Sta. Rosa City, Laguna, na walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wika na naiintindihan nito alinsunod sa umiiral na batas. Nakatakda siyang dalhin sa Sta. Rosa City Police Station para sa kaukulang disposisyon.