Class Suspension at ADM
Hello! Dahil maulan na naman at sunod-sunod ang suspensions, inaasahan na mag-send si teacher ng activities at ADM-related reports. Hindi naman ako totally against dito, pero mayroon lamang akong ilang bagay na naisip bigla:
- Pre-pandemic, kapag sinabing class suspension, e class suspension talaga. Walang activities, walang kahit ano na ipapagawa si teacher. Student pa ako nito, kaya hindi ko alam kung may reports ba na kailangan gawin sa end ni teacher. Basta sa mga student, chill lang literal sa bahay (kaya masaya talaga pag sinabing class suspended). Kahit tumagal ang class suspension, walang kahit anong kailangan habulin, unless mag-declare na magkakaroon ng make up classes kapag Sabado (na napakadalang lang mangyari).
Wala akong nakitang gap sa pagkatuto ko noon. Siguro, advantage na lang din na mahuhusay talaga ang mga teacher ko para ipaintindi ang mga kailangan matutuhan buhat nang matigil pansamantala ang klase. Pero ngayon, kailangan na mag-ADM para ma-address ang learning gaps. Na-curious lang ako, may pagkakaiba ba sa noon at ngayon? O, dahil mayroong internet ay mas madali na mag-implement ng ADM?
- Nakakaawa rin mga bata pag class suspended dahil alam na nila na may ADM. Matic, sabay-sabay magbibigay ng learning activities ang mga guro. Kung iisipin, kung ang estudyante ay may 5-8 subjects, may ganiyan ding karaming activities ang kailangan niyang gawin. Mas mahirap pa kung kailangan ipasa lahat kinabukasan kapag bumalik na ang klase. Sa end ng mga guro tulad natin, wala naman tayong choice kung hindi mag-comply dahil may inaasahang report na ipapasa na magpapatunay na tayo ay nag-conduct ng ADM.
Sa totoo lang, ayaw na ng mga bata ng mahabang class suspension. Mahabang class suspension = maraming modules/activities. Hindi ko lang sigurado kung mayroon ng pag-aaral o pananaliksik, pero palagay ko, hindi rin effective sa pagkatuto kung bombarded ang mga bata ng gawain. Ang tendency pa, tatamarin na lang sila, at ang ending, may iilan na hindi na lang gagawa. Bahala na ngayon si teacher kung anong gagawin niya.
Sana matigil na itong ulan at mabalik na sa klase. Aaminin ko, nakabawi rin naman ng pahinga kahit papaano. Pero 'yung learning gap dahil sa class suspension, 'yun ang literal na problema. Papalapit pa naman na ang term exam sa katapusan ng buwan.